Entertainment center ng mall, halos gibain nina Marian at Dingdong!
MASAYA. Mainit. Makulay. Ganyan maituturing ang isinagawang three-day GMA Kapuso Masskara celebration sa Bacolod City nu’ng nakaraang linggo.
Literal na sumusuka sa rami ng tao ang SM City Bacolod sa magkakasunod na araw — Biyernes, Sabado at Linggo — na pagtatanghal ng mga pambatong Kapuso star na sina Dennis Trillo, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Pauleen Luna at Paolo Ballesteros.
Biyernes idinaos ang tinatawag na Kapuso Night sa Masskara Village ng mall, na dinaluhan ng Zaido stars na sina Dennis, Pauleen at Paolo.
Umuulan nu’ng gabing ’yon, pero mistula ring super heroes ang Bacolodnons, na hindi inalintana ang pagkabasa mapanood lang ang mga bumibisitang artista.
Kinailangan pa ngang isara ang isang entrance ng mall dahil sa kapal ng taong gustong manood ng naturang palabas.
Nag-perform din ang bandang Parokya ni Edgar.
Kinabukasan, sa SM City Entertainment Center, in full costume na humarap ang tatlo sa nagtitiliang mga tagahanga.
Siyempre pa, si Dennis ang umani ng pinakamalakas na hiyawan sa tatlo. Pagbanggit pa lang ng local hosts sa pangalan ng binatang ama’y nagkagulo na ang fans, at lalo pang lumakas ang tilian nang hubarin nito ang suot-suot na head gear sa primetime metal hero series ng GMA-7.
Fly in, fly out naman ang naging drama ng Marimar loveteam na sina Marian at Dingdong.
Linggo ng umaga sila magkasabay na dumating sa Bacolod at nagpahinga lang sandali sa Sugarland Hotel saka tumuloy sa SM City Entertainment Center bandang alas-tres ng hapon.
Dahil sa parehong hotel din naka-billet ang Manila-based press, nalaman naming magkatapat ang kuwarto ng dalawa kasama ang respective road managers.
Gaya ng nauna nilang provincial trips, sweet na sweet ang magkapareha at halatang kumportableng-kumportable sa isa’t isa.
Kung nakabibingi ang tilian sa trio nina Dennis, Pauleen at Paolo, namanhid naman ang tenga namin sa ’di hamak na mas malakas na hiyawan sa Marimar pair.
Pandemonium ang nangyari paglabas na paglabas pa lang sa stage ng first-timer sa Bacolod na si Marian. Pareho silang nagbigay ng song number ni Dingdong, at nagbigay pa ng sample ng Marimar dance ang bagong reyna ng primetime soap ng Siyete.
Sa puntong ’yon, halos wala nang naiwang nakaupo sa crowd dahil lahat ay nagsitayo na sa kani-kanilang mga upuan. Kulang na lang magiba ang entertainment center sa sobrang init ng pagtanggap ng Bacolodnons sa dalawa.
Kung ito ang pagbabasehan, masasabing made na made na nga si Marian at malayo na ang narating ng popularidad. Magkagayunman, napakasimple pa rin nito’t sana nga’y hindi lumaki ang ulo.
Kahit pagod at ’di nakaayos, magiliw ang alaga ng talent manager na si Popoy Caritativo sa fans na gustong magpa-picture at magpa-autograph.
Pati nga ang very efficient service driver naming si Kuya Jed at si Manang, ang may-edad nang babaing nagbabantay sa maliit na souvenir shop sa lobby ng Sugarland Hotel, hindi naitago ang excitement at kilig nang makita ang paborito nilang artista in person.
Sa na-witness namin, malinaw na talagang sinusubaybayan ng Bacolodnons ang numero unong teleserye ng Kapuso channel. Otherwise, wa sana sila care kina Marian at Dingdong o kina Dennis, Pauleen at Paolo, ’di ba?
Marahil, malaki rin ang naitulong ng pag-improve ng reception ng GMA-7 sa parteng iyon ng Pilipinas para matutukan ng mga taga-roon ang mga paborito nilang Kapuso programs.
Sigaw nga ng mga ito sa kinasabikang bida ng Marimar, “Basta Bacolodnon, Kapuso!” Awww!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home