Kapuso Mo Sa Bawat Tagumpay Ng Buhay!: Billy, seksing-seksi sa pagkadyot

Kapuso Mo Sa Bawat Tagumpay Ng Buhay!

Feel the Fun... Feel the Love... This website is dedicated to GMA Network Kapuso and to all our fellow Kapuso around the world. We want to represent not only the Kapuso in the Philippines but all of our Kapuso abroad.

Sunday, October 07, 2007

Billy, seksing-seksi sa pagkadyot





Isang masaya at malaking dance party ang It’s Time concert ni Billy Crawford nu’ng Sabado nang gabi sa Araneta Coliseum.

Ito ang first concert dito sa Pilipinas ni Billy, na mas naunang makilala bilang isang solo recording/concert artist sa Europa.

Hindi man napuno ang Araneta ay nakabibingi ang tilian at hiyawan sa world-class show na ipinamalas ni Billy sa kanyang mga kababayan.

Ang lakas ng sigawan nang mahawi ang malaking tabing ng stage na sinundan ng malalakas na putok na hudyat ng simula ng show.

Maya-maya ay umentra na si Billy na unti-unting bumababa mula sa itaas ng Big Dome habang nakabitin nang patiwarik.

Ginawa na ni Beyonce ang patiwarik na grand entrance na ‘yon in one of her concerts pero si Billy ang first time na gumawa nito sa ‘Pinas.

Ang bagong single niyang It’s Time mula sa kanyang upcoming album ang opening song ni Billy. Astig ang kanyang outfit na para siyang robot o animé character.

Sinundan ito ng hit song niyang Steamy Nights habang sumasayaw siya kasama ng pitong Movers na napili mula sa kanyang dancers search sa TV. Sunud-sunod ang mga nakaiindak na numbers ni Billy.

Hanep ang galaw ng 25 y/o Fil-Am singer. Malinis at very precise ang kanyang dance moves. Kakaiba ang kanyang pitik at ang sexy-sexy niya kapag kumekembot at kumakadyot.

Naki-join sa sayawan ang choreographer na si Maryss from Paris (na naging nobya ni Billy) pero wala itong proper introduction kaya halos hindi mo ito mapapansin lalo na nang mag-blend na siya sa dancers.

"Magandang gabi po!" sundot na pagbati ni Billy habang tuluy-tuloy sa pag-awit at paghataw. Nagpalit siya ng outfit bago inawit ang Candy Store.

"Kumusta po kayo? May party ba dito?" tanong niya sa audience habang umiinda-indayog.

***

Cute ang duet-showdown nila ng kapwa niya Amboy na si JayR. Pinasunod nila ang audience sa linyang ‘Never gonna get’ na ginawang ‘Ambaho ng pwet!’ ni Jay-R.

After the song, nabanggit ni Billy na gusto niyang maiyak habang bumabagsak siya mula sa itaas nu’ng opening dahil never niya raw na-imagine na magpe-perform siya sa nasabing entablado.

Nakaupo sa front row ang mga magulang ni Billy na sina Mommy Mayette at Daddy Jack. "Dad, I love you! This is the first time that he’ll see me onstage. Dad, thank you!" bulalas niya.

Nang sabihin na Billy na kukuha siya ng isang girl mula sa audience ay ang daming sumigaw ng, "Rufa Mae! Rufa Mae!" at "P-chi! P-chi!" na palayaw ni Rufa Mae Quinto. Deadma at kunwari ay walang naririnig si Rufa Mae na nakaupo sa may harapan namin.

Narinig ni Billy ang panunukso ng audience kaya napadayalog siya ng, "Ninenerbiyos ako, ha?" Ang ending ay si Tessa Prieto-Valdes na lang ang dinala niya sa stage, para safe.

As usual ay naka-colorful outfit at headdress si Tessa, na feel na feel nang kantahan siya ni Billy ng love song na When You’re in Love with Someone. Humiga pa sa kandungan ni Tessa si Billy.

Mas na-appreciate namin ang ganda ng boses ni Billy sa naturang senti song. Sa pagsayaw man o sa pagkanta ay pang-international ang kalibre ni Billy.

Nag-cowboy costume siya at ang dancers niya nang awitin niya ang cute song niyang Cowboy.

***

Ang ganda ng puwesto namin sa patron section na ilang hakbang lang ang layo mula sa stage. Katabi namin sina Mother Lily Monteverde at Tita Malou Fagar. Enjoy si Mother sa concert ni Billy at in fairness ay hindi siya inantok o nakatulog.

Ka-row namin sina Allan K., Lito Alejandria at Direk Poochie Rivera ng Eat Bulaga. Magkatabi sa likuran namin sina Iza Calzado at Vina Morales, na ka-row din sina Direk Manny Valera, Alwyn Uytingco at Polo Ravales. May ka-date si Polo na isang chinita girl na ang twin sister ay ka-date naman ni Frank Garcia.

Sa harapan namin nakaupo sina Yasmien Kurdi & JC de Vera at William Martinez & Yayo Aguila kasama ang mga anak nila.

Katabi ni Rufa Mae ang mga kaibigang sina Rustom Padilla, Ruffa Gutierrez, Richard Gomez at Nadia Montenegro na ka-join ang anak na si Ynna.

Katabi ni Goma si John Estrada at ang Brazilian girlfriend nitong si Priscilla Meirelles. Nasa audience din sina Diana Zubiri, Janelle Jamer, Cacai at Raul Mitra, Prince Stefan, Claire dela Fuente, bagets racing champ na si Matteo Guidicelli kasama ang Gift Gate owner na si Virgie Ramos, German Moreno na tatay-tatayan ni Billy at iba pa.

Ang ingay ni Yasmien at panay ang sayaw sa may puwesto niya. Sina Iza at Vina ay super-dance din sa likod namin. Nalokah si William nang magtitili si Yayo ng, "I love you, Billy!" na parang kinikilig na teenager.

***

Very Usher o Justin Timberlake si Billy sa kanyang all-white suit with matching white hat. Napasayaw na rin si Rufa Mae nang mag-duet sina Billy at Karylle ng Umbrella ni Rihanna.

Hinubad ni Karylle ang suot na trenchcoat at solo siyang nag-sing and dance ng My Humps at Don’t Cha na seksi-seksihan ang kanyang black outfit.

Pag-entra ni Billy ay naka-black pants and sando na lang siya at nakakaelya ang paggiling-giling ng katawan niya habang inaawit ang sensual song na Surrender.

"First time ko na magpa-sexy, huh!" natatawang sey ni Billy after the song. Hindi ganu’n ka-lean ang katawan niya pero ang lakas ng appeal ni Billy at lumalabas ang kaseksihan niya ‘pag nagpe-perform na siya sa stage.

Dance galore na ang audience sa duet nina Billy at Kris Lawrence ng So Sick ni Ne-Yo. Natuwa si Billy nang makitang nagsasayawan na ang crowd.

Nabanggit niyang dapat ay guest niya that night si Regine Velasquez kaya lang ay naospital daw ang Songbird.

Hindi magkamayaw ang audience nang mag-Michael Jackson medley na si Billy. Itinuro kami ni Vina sa big screen sa stage dahil ipinalalabas ang video ni Billy nu’ng bagets pa siya at binabanatan ang mga kanta ng idolo niyang si Jacko.

Lalong nagwala ang hitad na Yasmien sa sumunod na hip-hop song ni Billy. Um-exit saglit si Billy bago inawit ang dance hit niyang Bright Lights.

Sayawan rin ang lahat sa first hit song niyang Trackin’ mula sa unang international album niyang Ride.

"This is the best dance party I’ve ever been to in my entire life!" masayang bulalas ni Billy bago siya nagpaalam.

Ganado pang magsayawan ang audience at ayaw pang mag-uwian kaya sigawan ang lahat ng "More!" at sabay-sabay na nag-chant ng "Billy! Billy!"

Sa muling paglabas ni Billy ay formal black suit ang kanyang 8th at final costume change. Binati niya ng happy birthday ang kanyang Tatay Germs at pinasalamatan ang mga celebrities na nakisaya sa kanya.

Bahay ang titulo ng kanyang encore and final song. "Manila, maraming salamat! It’s a pleasure being a Pinoy!" sambit ni Billy, sabay sabing mauulit daw ang concert niyang ‘yon.

Feeling namin ay mas bongga at mas may spectacle ang concerts ni Billy sa Europa pero sobrang nag-enjoy kami sa It’s Time na dinirek ng French director na si Gabriel Hoareau.

Bukod sa magaling na choreography ay mapapahataw ka sa husay at tindi ng energy ni Billy Crawford. Huli kaming nag-enjoy at napasayaw ng ganu’n ay noong Hulyo 2006 pa sa concert ng Black Eyed Peas sa Araneta.

Kung proud si Billy sa pagka-Pinoy niya ay mas lalo kaming proud sa pagiging world-class artist niya!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Regine Velasquez -...